--Ads--

Binigyang-diin ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) ang kahalagahan ng pagprotekta sa karapatan ng mga katutubo, lalo na ng mga kababaihan, bilang bahagi ng pagsusulong ng Women, Peace and Security (WPS) agenda.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay OPAPRU Project Development Officer V Rene Gandeza Jr., sinabi nito na mahalagang mabigyan ng makabuluhang partisipasyon ang mga kababaihang kabilang sa mga Indigenous community sa mga usapin ng kapayapaan, seguridad, at pag-unlad ng kanilang komunidad.

Binigyang-pansin din ang pangangailangang kilalanin at pangalagaan ang karapatan ng mga Indigenous Peoples, kabilang ang kanilang representasyon at pakikilahok sa mga programang may direktang epekto sa kanilang kabuhayan at kinabukasan.

Tinalakay ang mga ito sa isinagawang pagdiriwang ng ika-17 anibersaryo ng Magna Carta of Women at Local Governance Conference on Gender Equality, Poverty Reduction, and Women, Peace and Security sa Cauayan City.

--Ads--

Ayon sa OPAPRU, layunin ng WPS agenda na palawakin ang papel ng kababaihan sa conflict prevention, peacebuilding, at decision-making, kabilang ang mga katutubong kababaihan na itinuturing na mahalagang katuwang sa pagsusulong ng pangmatagalang kapayapaan at kaunlaran.

Iginiit din ng ahensya na ang pagkilala sa boses at karapatan ng mga katutubong komunidad ay susi sa pagtataguyod ng inklusibong pamamahala at matatag na kapayapaan.