Nakatakdang umabot sa P3.75 bilyon ang pondo para sa Cancer Assistance Fund (CAF) sa ilalim ng panukalang pambansang budget para sa 2027 upang mapalawak ang access ng mga Pilipino sa screening, diagnosis, paggamot at iba pang serbisyong medikal para sa kanser.
Ayon kay House Minority Leader at 4Ps party-list Representative Marcelino Libanan, mas mataas ito nang 150 porsiyento kumpara sa P1.5 bilyong inilaan para sa programa ngayong 2026.
Sinabi ni Libanan na layunin ng dagdag na pondo na matulungan ang mas maraming pasyente na makakuha ng kinakailangang serbisyong pangkalusugan, kabilang ang maagang pagtuklas at paggamot sa sakit.
Bukod sa CAF, nakalaan din ang P1.31 bilyon para sa Cancer Control Program sa ilalim ng panukalang budget para sa 2027.
Binigyang-diin ng kongresista na mahalagang maipaliwanag sa publiko kung paano ginagamit ang pondo ng bayan, lalo na sa mga programang direktang nakaaapekto sa kalusugan at kapakanan ng mga mamamayan.
Ayon pa kay Libanan, hindi lamang usaping pangkalusugan ang kanser dahil nagdudulot din ito ng malaking pasaning pinansyal at panlipunan sa mga pamilya.
Sa pamamagitan ng CAF, umaasa siyang mababawasan ang gastusin ng mga pasyente upang hindi mapilitan ang kanilang mga pamilya na mamili sa pagitan ng kinakailangang paggamot at pang-araw-araw na pangangailangan.
Maaaring makakuha ng tulong mula sa CAF sa pamamagitan ng mga ospital at pasilidad pangkalusugan na pinangangasiwaan ng Department of Health (DOH) sa buong bansa.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) na inilabas noong Hunyo, umabot sa 70,668 ang naitalang pagkamatay dahil sa neoplasms o kanser noong 2025, katumbas ng humigit-kumulang 194 na pagkamatay kada araw.
Ikalawa ang kanser sa mga nangungunang sanhi ng pagkamatay sa bansa, kasunod ng ischemic heart disease. Ayon sa PSA, bumubuo rin ang mga pagkamatay dahil sa kanser ng 11.4 porsiyento ng kabuuang naitalang pagkamatay sa Pilipinas noong nakaraang taon.
Samantala, iniulat ng Philippine Cancer Society na mahigit 150,000 bagong kaso ng kanser ang natutukoy sa bansa kada taon.
Kabilang sa mga prayoridad na sakit sa ilalim ng mga programa ng pamahalaan ang breast cancer, childhood cancers, gynecologic cancers, kanser sa atay at digestive tract gaya ng colorectal cancer, mga kanser sa ulo at leeg kabilang ang thyroid cancer, lung cancer, at mga kanser sa prostate, bato at pantog.
Kasabay nito, isinusulong din ni Libanan ang isang panukalang batas na naglalayong magtatag ng sentralisadong sistema ng mga rekord ng pasyente at magtayo ng hindi bababa sa isang ospital na pinangangasiwaan ng DOH sa bawat lalawigan upang mapabuti ang paghahatid ng serbisyong pangkalusugan sa bansa.











