Isinusulong ni Senador Erwin Tulfo ang obligadong pagtanggap ng mga ahensya ng gobyerno sa authenticated digital versions ng mga government-issued identification card (ID) upang mapabilis at mapadali ang mga transaksyon ng publiko.
Ito ay sa pamamagitan ng Senate Bill No. 2590 o “Government-Issued Digital Identification Acceptance Act” na inihain ng senador.
Sa ilalim ng panukala, inaatasan ang lahat ng ahensya ng pambansang pamahalaan, local government units (LGUs), government-owned and controlled corporations (GOCCs), at government financial institutions (GFIs) na kilalanin ang mga beripikadong digital government ID bilang sapat na patunay ng pagkakakilanlan.
Ayon kay Tulfo, layunin ng panukala na matugunan ang mga reklamo ng mga Pilipino na hindi natutuloy ang kanilang transaksyon sa gobyerno dahil hindi tinatanggap ang kanilang digital IDs, kahit hinihikayat naman silang gumawa ng account sa eGovPH application.
Dagdag pa niya, kailangang umangkop ang mga ahensya ng gobyerno sa makabagong teknolohiya upang maiwasan ang hindi kinakailangang abala sa publiko.
Inaatasan din ng panukala ang mga ahensya na magpatupad ng makatwirang proseso para sa authentication at verification ng mga digital ID. Kung magkaroon naman ng aberya sa electronic verification system, maaari silang gumamit ng iba pang paraan ng beripikasyon.
Nilinaw rin na maaari pa ring gumamit ang mga mamamayan ng physical ID, habang pinapayagan ang mga ahensya na humingi ng karagdagang verification measures upang maiwasan ang fraud, identity theft at hindi awtorisadong paggamit ng pagkakakilanlan.
Sakaling maisabatas, maaaring managot ang sinumang opisyal o empleyado ng gobyerno na mapatutunayang tumangging tumanggap ng authenticated digital ID nang walang sapat na dahilan.
Binigyang-diin ni Tulfo na nararapat lamang na magkaroon ang mga Pilipino ng mas mabilis at episyenteng transaksyon sa mga tanggapan ng pamahalaan.











