Isinusulong ng Public Order and Safety Division (POSD) ang mas mahigpit na pagbabantay sa mga checkpoint upang mapigilan ang pagkalat ng African Swine Fever (ASF).
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, ibinahagi niyang nalugi siya ng ilang milyong piso sa negosyong pag-aalaga ng baboy matapos tamaan ng ASF ang kaniyang mga alagang hayop.
Aniya, may mga nagdadala ng baboy na gumagamit ng mga alternatibong kalsada upang makaiwas sa checkpoint kaya mahalagang palakasin ang pagbabantay sa mga ito.
Nakahanda naman ang POSD na makipag-ugnayan sa kapulisan at iba pang awtoridad para sa pagtatatag ng mga checkpoint.
Nagpahayag din si Mallillin ng pangamba sa posibleng epekto ng ASF sa suplay ng karne ng baboy sa mga susunod na buwan, partikular sa Kapaskuhan at Bagong Taon.
Sa kasalukuyan, nasa ₱220 hanggang ₱230 kada kilo ang presyong kaniyang nakikita, bagama’t wala pang kumpirmasyon na magkakaroon ng kakulangan sa suplay sa merkado.











