--Ads--

Inaasahang tataas nang malaki ang presyo ng diesel at gasolina sa susunod na linggo dahil sa pagtaas ng global oil prices, ayon sa isang oil industry source.

Batay sa Mean of Platts Singapore (MOPS) prices at foreign exchange rates mula Agosto 10 hanggang 13, posibleng magkaroon ng mga sumusunod na dagdag-presyo:

Diesel: P3.75 hanggang P4.25 kada litro
Gasolina: P2.50 hanggang P3.00 kada litro

Ayon sa industry source, nakaapekto sa pagtaas ng presyo ng langis ang paghina ng optimism sa posibilidad ng peace deal at muling pagkakaroon ng shipping traffic sa Strait of Hormuz.

--Ads--

Nananatili rin ang pangamba sa pagbaba ng global oil inventories, limitadong supply mula sa Middle East Gulf at pagbawas ng exports mula sa Black Sea.

Dagdag pa rito ang posibilidad ng mga sanction-related disruptions na maaaring higit pang magpahigpit sa global crude supply.

Para naman sa diesel, patuloy na nakaaapekto sa presyo ang supply risks sa Middle East at limitadong exports mula Russia.

Karaniwang inaanunsyo ng mga kumpanya ng langis ang kanilang price adjustments tuwing Lunes, na ipinatutupad naman pagsapit ng Martes.