--Ads--

Mariing kinontra ng August Twenty-One Movement (ATOM) ang pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi umano ill-gotten o nakaw na yaman ang mga ari-arian ng kanilang pamilya, at tinawag itong “hindi totoo” at “ganap na fake news.”

Sa isang pahayag sa social media, sinabi ng ATOM na hindi nila palalampasin ang naging pahayag ng Pangulo at iginiit na hindi sila sang-ayon sa kanyang pag-aangkin na napatunayang legal ang lahat ng yaman ng kanilang pamilya.

Binigyang-diin din ng grupo na mula nang mapatalsik ang rehimeng Marcos noong 1986, wala umanong miyembro ng pamilya Marcos ang nakulong sa kabila ng mga kasong iniuugnay sa panahon ng diktadura. Tinukoy rin ng ATOM ang hatol kay dating Unang Ginang Imelda Marcos noong 2018 kaugnay ng paglabag sa anti-corruption law, ngunit wala umanong naging kasunod na pagpapatupad ng parusa.

Sa isang forum ng Foreign Correspondents Association of the Philippines noong Biyernes, ipinagtanggol naman ni Pangulong Marcos ang mga ari-arian ng kanilang pamilya. Ayon sa kanya, ang kanilang pagkapanalo sa ilang civil cases ay patunay na hindi ill-gotten wealth ang mga ito.

--Ads--

Samantala, muling binanggit sa usapin ang desisyon ng Korte Suprema noong 1997 na nag-aatas sa pamilya Marcos na bayaran ang ₱23 bilyong estate tax, na ayon kay retired Supreme Court Justice Antonio Carpio ay lumobo na sa humigit-kumulang ₱203 bilyon dahil sa interes at hindi pagbabayad.