Asahan ng mga motorista ang panibagong dagdag-presyo sa mga produktong petrolyo simula ngayong araw ng Martes matapos ianunsyo ng Department of Energy (DOE) ang panibagong oil price hike.
Ayon sa DOE, tataas ng ₱3.84 kada litro ang diesel, ₱2.49 kada litro ang gasolina, at ₱5.01 kada litro ang kerosene. Inanunsyo rin ng ilang kumpanya ng langis ang halos kaparehong taas-presyo na ipatutupad alas-6 ng umaga ngayong Martes, Agosto 18.
Sa kabila ng pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, sinabi ng DOE na sapat pa rin ang suplay ng bansa. Tinatayang nasa 58 araw ang kabuuang fuel inventory, kabilang ang 57 araw para sa diesel at 55 araw para sa gasolina.
Samantala, tiniyak ng mga opisyal ng enerhiya na hindi inaasahang aabot sa mahigit ₱10 kada litro ang magiging pagtaas ng presyo ng langis sa mga susunod na linggo, habang isinusulong din ng pamahalaan ang pagtatayo ng strategic petroleum reserve para sa mas matatag na suplay ng krudo sa hinaharap.











