--Ads--

Pinasinayaan ang bagong tayong perimeter fence at covered entry porch ng Cauayan Component Police Station, kasabay ng inayos na lobby o reception area at Office of the Chief of Police, bilang bahagi ng pagpapalakas sa seguridad, operasyon at paghahatid ng serbisyo sa publiko.

Dinaluhan ang seremonya nina PBGen. Mariano Rodriguez, Regional Director ng Police Regional Office 2; PCol. Manuel Bringas, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office; Cauayan City Mayor Ceasar “JC” Dy Jr.; at PLt.Col. Jerry Castillo, Officer-in-Charge ng Cauayan Component Police Station.

Sa isinagawang press conference, binigyang-diin ni PBGen. Rodriguez ang kahalagahan ng matatag na ugnayan ng Philippine National Police at lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng mga proyektong magpapalakas sa kapasidad ng kapulisan at direktang makikinabang ang komunidad.

Ayon sa opisyal, ang maayos at ligtas na police facility ay hindi lamang usapin ng imprastraktura, kundi mahalaga rin upang magkaroon ng mas maayos na lugar ang mga pulis sa pagtupad ng kanilang tungkulin at ang mga mamamayang lumalapit sa himpilan upang humingi ng tulong, magsampa ng reklamo at makipag-ugnayan sa kapulisan.

--Ads--

Binigyang-diin din niya na hindi nagtatapos sa pagkakaroon ng bagong pasilidad ang pagpapabuti ng serbisyo ng PNP, dahil higit na mahalaga ang mabilis, maayos at responsableng pagtugon sa mga pangangailangan ng publiko. Pinuri rin niya ang magandang ugnayan ng lokal na kapulisan at pamahalaang lungsod na naging daan sa pagsasakatuparan ng naturang mga proyekto.

Samantala, tiniyak ni Mayor Caesar “JC” Dy Jr. ang patuloy na suporta ng lokal na pamahalaan sa kapulisan, partikular sa mga hakbang na nakatuon sa pagpapanatili ng peace and order at public safety sa lungsod.

Ayon sa alkalde, mahalaga ang pagkakaroon ng maayos at angkop na pasilidad upang mabigyan ang mga police personnel ng mas ligtas at episyenteng working environment na makatutulong sa mas maayos na pagtupad nila sa kanilang tungkulin.

Kabilang naman sa inaasahang makikinabang ang publiko ang inayos na reception area na layong gawing mas organisado ang pagtanggap at pag-asikaso sa mga police client na maghahain ng reklamo o hihingi ng tulong.

Ayon kay PLt.Col. Jerry Castillo, OIC ng Cauayan City Police Station, may direktang epekto sa mga personnel at publiko ang mga isinagawang improvement, partikular sa seguridad, accessibility at mas maayos na paggalaw ng mga tao sa loob ng himpilan.

Aniya, magsisilbing karagdagang security measure ang bagong perimeter fence, habang ang covered entry porch ay magbibigay naman ng mas ligtas at protektadong access sa mga pumapasok sa police station.

Samantala, inaasahang makatutulong ang renovated lobby sa mas mabilis na pagtugon sa pangangailangan ng mga police personnel at publiko, kabilang ang maayos na pagdirekta sa kanila sa kaukulang tanggapan o serbisyong kanilang kailangan.

Inaasahang higit na mapalalakas ng mga isinagawang improvement hindi lamang ang physical security ng himpilan, kundi maging ang kahandaan ng mga tauhan nito sa pagtugon sa mga pangangailangan ng komunidad.

Patuloy naman ang koordinasyon ng lokal na pamahalaan at kapulisan sa pagpapaunlad ng mga pasilidad at pagbibigay ng kinakailangang suporta upang higit na mapatatag ang mga hakbang para sa peace and order at public safety sa lungsod.

Magsisilbing karagdagang suporta ang mga bagong pasilidad sa mga tauhan ng himpilan upang maisakatuparan ang kanilang mandato at makapaghatid ng mas epektibo, maaasahan at citizen-centered na serbisyo sa mga mamamayan.