Arestado ang isang 52-anyos na lalaki sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad sa National Highway, Purok 2, Barangay Minante 2, Cauayan City, Isabela, bandang alas-8:07 ng gabi nitong Agosto 19.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Junong,” residente ng Barangay Marabulig 1, Cauayan City.
Ayon sa pulisya, nahuli siya matapos umanong makapagbenta ng isang heat-sealed sachet na naglalaman ng puting mala-kristal na substansiyang hinihinalang shabu, na tumitimbang ng humigit-kumulang 0.30 gramo at nagkakahalaga ng ₱2,040 batay sa standard drug price.
Nasamsam din umano sa suspek ang buy-bust money, boodle money, isang pulang Oppo cellphone at isang improvised tube pipe. Isinagawa ang operasyon ng CDEU ng Cauayan City Police Station, katuwang ang RMU2 at PDEA Isabela.
Nasa kustodiya na ng Cauayan City Police Station ang suspek at mga nakumpiskang ebidensya para sa kaukulang dokumentasyon. Nahaharap siya sa mga kasong paglabag sa Sections 5 at 12, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.











