Narekober ng pinagsanib na puwersa ng pulisya at militar ang iba’t ibang baril, bala, granada at materyales na ginagamit sa paggawa ng pampasabog mula sa isang hinihinalang arms cache ng Communist Terrorist Group (CTG) sa Barangay Rogus, Cauayan City, Isabela, nitong Lunes ng umaga, Oktubre 19.
Pinangunahan ng 2nd Isabela Provincial Mobile Force Company ang operasyon dakong alas-10:30 ng umaga, katuwang ang iba’t ibang yunit ng pulisya at ang 95th Infantry Battalion ng Philippine Army.
Kabilang sa mga narekober mula sa isang asul na plastic pail ang isang improvised shotgun, isang hindi na gumaganang revolver na may markang Smith & Wesson, pitong magazine para sa M14 at M16 rifles, at 183 piraso ng bala na iba’t iba ang kalibre.
Nakuha rin ang dalawang MK2 high-explosive fragmentation hand grenade, apat na bala para sa 12-gauge shotgun, 15 talampakan ng detonating cord, dalawang electric blasting cap, isang 9-volt battery, 150 gramo ng Pentex explosive material, isang time fuse, at electrical tape na nakabalot sa isang patpat.
Isinagawa ang operasyon bilang bahagi ng Major Combat Operation na naglalayong matukoy at mabawi ang mga nakatagong armas at kagamitang pandigma sa mga tinukoy na lugar sa Cauayan City at San Guillermo, Isabela.
Batay sa ulat, nakatanggap ang Regional Intelligence Division 2 (RID2) ng impormasyon hinggil sa naturang arms cache noong Setyembre 29, 2026. Nakatulong din sa operasyon ang impormasyong ibinahagi ng isang sumukong dating rebelde na kinilala sa alyas na “Andong.”
Dinala sa himpilan ng 2nd IPMFC ang mga nakuhang kagamitang hindi sumasabog para sa pansamantalang kustodiya at dokumentasyon. Samantala, ipinagkatiwala sa CECU Cauayan ang mga pampasabog at bahagi ng improvised explosive device (IED) para sa wastong paghawak at disposisyon.











