--Ads--

Nagbabala ang flower shop owner sa Cauayan City laban sa paggamit ng pekeng pera sa pagbabayad, kasunod ng insidenteng naranasan ng isa sa kanilang hanay noong nakaraang linggo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Revy Manipon, isang flower shop owner sa lungsod, sinabi nitong hindi na bago sa kanila ang ganitong uri ng panlilinlang, ngunit mas mataas ang halagang sangkot sa pinakahuling insidente.

Ayon kay Manipon, mula sa dating 200 pesos ay umabot na sa 1,000 pesos ang pekeng perang ginamit sa pagbabayad sa kanilang tindahan, dahilan upang mas doblehin nila ang pag-iingat sa bawat transaksyon.

Binigyang-diin niya na mahalagang maging mapagmatyag ang mga nagtitinda, lalo na’t papalapit ang Undas kung kailan inaasahang dadami ang mga bibili ng bulaklak para sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay.

--Ads--

Inaasahang magiging abala ang mga flower shop sa mga susunod na araw dahil sa pagdagsa ng mga customer na maghahanda para sa pagdalaw sa mga sementeryo.

Dahil dito, hinimok ni Manipon ang mga kapwa flower shop owner na maging maingat sa pagtanggap ng bayad upang maiwasan ang pagkalugi at muling mabiktima ng paggamit ng pekeng pera.

Nanawagan din siya sa publiko na huwag abusuhin ang maliliit na negosyanteng nagsisikap na kumita sa marangal na paraan.