Posibleng maharap sa reklamong subornation of perjury sina detained Senator Rodante Marcoleta at dating kongresista Mike Defensor kaugnay ng umano’y pag-udyok o pag-coach nila kay dating Marine officer Orly Guteza sa kanyang testimonya sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong nakaraang taon.
Ito ang pahayag ni Senador Panfilo Lacson matapos suriin ang mga pangyayari sa naturang pagdinig kung saan inilahad ni Guteza ang alegasyon na naghatid siya ng mga maleta na naglalaman ng pera sa ilang personalidad kabilang si dating Speaker Martin Romualdez.
Ayon kay Lacson, makikita sa pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari na tila ginabayan ni Marcoleta si Guteza sa mga detalye na dapat isama sa kanyang sinumpaang salaysay.
Sa panayam sa radyo, sinabi ni Lacson na maaaring managot sina Marcoleta at Defensor kung may magsasampa ng kaukulang reklamo laban sa kanila, lalo na matapos ibunyag ni Guteza na umano’y hinikayat siyang tumestigo kapalit ng pera at scholarship para sa kanyang mga anak.
Dagdag pa ng senador, kabilang si Romualdez sa mga maaaring magsampa ng reklamo dahil isa siya sa mga nadawit sa orihinal na mga alegasyon ni Guteza.
Sinabi rin ni Lacson na maaaring magsagawa ng paunang imbestigasyon ang Department of Justice at Office of the Ombudsman hinggil sa posibleng kasong perjury laban sa mga nasa likod ng naturang testimonya, dahil itinuturing itong isang public offense.
Kasabay nito, muling iginiit ni Lacson ang kahalagahan ng mahigpit na pagpapatupad ng Republic Act 11594 na nagpapataw ng mas mabigat na parusa sa mga nagkakasala ng perjury o pagsisinungaling sa ilalim ng panunumpa.
Ayon sa kanya, ang pag-urong o pagbawi ng mga naunang pahayag nina Guteza at ilan sa mga tinaguriang “Maleta Boys” ay nagpapakita na tila naging karaniwang gawain na ang ganitong uri ng kaso at posibleng pinagkakakitaan pa ng ilan.
Sa ilalim ng Republic Act 11594, ang mapapatunayang nagkasala ng perjury ay maaaring makulong ng anim na taon at isang araw hanggang walong taon at pagmultahin ng hanggang isang milyong piso. Mas mabigat naman ang kaparusahan kung ang sangkot ay isang opisyal o empleyado ng pamahalaan.
Sa kasalukuyan, nakadetine sina Marcoleta at Defensor kaugnay ng kasong plunder na inihain laban sa kanila sa Sandiganbayan dahil sa umano’y hindi idineklarang campaign funds.










