Posibleng maharap sa kasong subornation of perjury sina Senador Rodante Marcoleta at dating Rep. Mike Defensor kaugnay ng umano’y pagtuturo kay dating Marine Orly Guteza sa kanyang testimonya sa Senate Blue Ribbon Committee.
Ayon kay Senador Panfilo Lacson, makikita umano sa naging takbo ng pagdinig na tinulungan ni Marcoleta si Guteza sa mga nilalaman ng kanyang affidavit, kabilang ang alegasyon tungkol sa paghahatid ng mga maleta ng pera kay dating Speaker Martin Romualdez.
Sa bago nitong affidavit, iginiit ni Guteza na hinikayat umano siya nina Marcoleta at Defensor na magsinungaling kapalit ng pera at scholarship para sa kanyang mga anak.
Sinabi ni Lacson na maaaring magsampa ng reklamo si Romualdez, habang maaari ring imbestigahan ng Department of Justice at Office of the Ombudsman ang usapin.
Binigyang-diin din niya ang Republic Act 11594 na nagtatakda ng mas mabigat na parusa sa pagsisinungaling sa ilalim ng panunumpa.










