Iginiit ng punong barangay ng Viga, Angadanan na hindi basta nito pinayagan ang may-ari ng isang poultry farm na magtapon at magkalat ng dumi ng manok sa lupang malapit sa mga kabahayan sa Purok 7.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Barangay Samuel Ramiscal, sinabi nitong napagkasunduan nilang hintayin muna ang Sanidad upang masuri ang lugar at matukoy kung ligtas at naaayon sa mga pamantayan ang naturang gawain.
Ayon kay Punong Barangay Ramiscal, kung matukoy sa pagsusuri na maaaring makapinsala o magkaroon ng negatibong epekto sa mga residente, hindi nila papayagang ipagpatuloy ang pagtatambak ng dumi ng manok sa naturang lugar.
Samantala, gagawa rin umano ang barangay ng petition letter para sa may-ari ng poultry farm upang ipabatid na marami nang residente ang nagrereklamo hinggil sa naturang usapin.
Iginiit din ng punong barangay na patuloy nilang inaaksyunan ang reklamo at inatasan na ang kagawad na nakasasakop sa lugar na obserbahan ang sitwasyon.
Nanawagan din ito sa mga residente ng Purok 7 na patuloy na idulog sa barangay ang kanilang mga hinaing upang agad itong mapag-usapan at maaksyunan.
Gayunman, binigyang-diin nitong mahalagang mapakinggan din ang panig ng may-ari ng poultry farm upang magkaroon ng maayos na pag-uusap at makahanap ng solusyong makabubuti sa mga residente at sa kabilang panig.










