--Ads--

Dumulog sa himpilan ng Bombo Radyo Cauayan ang ilang residente ng Purok 7, Barangay Viga, Angadanan, Isabela upang iparating ang kanilang reklamo hinggil sa umano’y patuloy na pagtatambak ng dumi ng manok sa isang lupang malapit sa kanilang mga kabahayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Anita Masi, isa sa mga residenteng dumulog sa himpilan, ilang araw nang ibinabagsak ng mga dump truck ang dumi ng manok sa lupang pagmamay-ari umano ng isang poultry farm operator.

Aniya, gagamitin umano ng may-ari ang mga dumi ng manok bilang fertilizer para sa pagtatanim ng melon sa naturang lupain.

Gayunman, ikinababahala ito ng mga residente dahil malapit lamang sa kanilang mga bahay ang lugar kung saan ibinabagsak at ikinakalat ang dumi ng manok.

--Ads--

Isinalaysay ni Ginang Masi na una umano niyang tinawagan ang kanilang punong barangay matapos mapansin ang dalawang dump truck na nagbaba ng dumi ng manok sa naturang lugar nitong Agosto 21.

Kasama umano niya ang isang kagawad nang subukan nilang kausapin at pahintuin ang mga nagbababa ng dumi ng manok, subalit hindi umano sila pinakinggan.

Dahil dito, muling nakipag-ugnayan si Ginang Masi sa punong barangay upang itanong kung bakit hindi napipigilan ang naturang gawain.

Ayon umano sa punong barangay, dapat umanong siya ang makipag-usap mismo sa may-ari ng poultry farm.

Gayunman, sinabi ni Ginang Masi na mas nais sana niyang ang barangay captain ang makipag-usap sa may-ari dahil ito ang awtorisadong mangkausap dito.

Kalaunan, personal umanong nagtungo sa nasabing barangay ang may-ari ng poultry farm at nakipag-usap sa mga residente.

Sa kanilang pag-uusap, nakiusap umano si Ginang Masi na kung maaari ay itigil na ang pagtatambak at pagkakalat ng dumi ng manok dahil nagdudulot ito ng hindi magandang amoy sa kanilang lugar.

Ipinaliwanag naman umano ng may-ari na makatutulong ang dumi ng manok bilang pataba sa kaniyang lupa, partikular sa planong pagtatanim ng melon.

Gayunman, iginiit ni Ginang Masi na dapat ding ikonsidera ang kalagayan ng mga residenteng nakatira malapit sa naturang lupain. Ngunit ang sagod umano ng may-ari ay bahala na silang mga residente doon.

Dagdag pa ni Ginang Masi, matagal na nilang tinitiis ang mga langaw na nagmumula sa poultry farm at hindi na umano nila ito gaanong inirereklamo.

Ngunit sa kasalukuyan, nangangamba silang mas dumami ang mga langaw at mas maapektuhan ang kanilang mga kabahayan dahil sa dumi ng manok na ikinakalat malapit sa kanilang lugar.

Bukod dito, ikinababahala rin ng mga residente ang posibilidad na mas lumala ang mabahong amoy kapag tuluyang ikinalat ang dumi ng manok at maabutan ito ng ulan.

Dahil dito, nais ng mga residente na mapigilan ang patuloy na pagtatambak ng dumi ng manok sa lugar at magkaroon muna ng pagsusuri bago ito tuluyang gamitin bilang fertilizer.