Nagsagawa na ng inspeksyon ang Sanidad at Municipal Agriculture Office (MAO) ng Angadanan, Isabela sa lugar na inirereklamo ng ilang residente dahil sa umano’y pagtatambak ng dumi ng manok malapit sa kanilang mga kabahayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sanitary Inspector Yolizon Domingo ng Angadanan, sinabi nitong nagtungo na ang kanilang hanay kasama ang MAO upang tingnan ang sitwasyon sa lugar.
Pagdating umano nila roon, wala silang nakitang mga langaw at wala rin umanong mabahong amoy na nagmumula sa itinambak na dumi ng manok.
Ayon kay Domingo, medyo malayo rin umano sa mga kabahayan ang lugar kung saan ibinagsak ang mga dumi ng manok.
Samantala, sinabi umano ng may-ari ng poultry farm na gagamitin niya ang mga dumi ng manok sa kaniyang mga pananim at ilalagay sa kaniyang sakahan.
Gayunman, ayon sa MAO, kinakailangan munang ipa-decompose ang dumi ng manok bago ito tuluyang ikalat o gamitin sa lupang sakahan.
Pumayag naman umano ang may-ari at wala rin itong naging pagtutol sa naturang kondisyon.
Samantala, sinabi ni Domingo na idudulog ng isang Sangguniang Bayan Member ang naturang usapin sa konseho, kung saan maaaring ipatawag ang mga complainant para sa isang public hearing.
Dagdag pa ni Sanitary Inspector Domingo, batay sa isinagawang inspeksyon, wala naman umanong nakitang paglabag ang may-ari ng poultry farm sa mga panuntunan ng Sanidad.
Gayunman, ayon naman sa MAO, pansamantala munang ihihinto ang pagtatambak ng dumi ng manok habang hindi pa napag-uusapan ang usapin sa public hearing.
Sa ngayon, wala pa umanong tiyak na petsa para sa naturang pagdinig.








