Sasalain muna ng Office of the Ombudsman ang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Vice President Sara Duterte upang matukoy kung kinakailangan pang magsagawa ng karagdagang imbestigasyon kaugnay ng mga umano’y iregularidad sa deklarasyon nito ng mga ari-arian.
Sa pahayag nitong Huwebes, kinumpirma ng Ombudsman na natanggap na nito mula sa National Bureau of Investigation (NBI) ang mga dokumento kaugnay ng SALN ng bise presidente, matapos i-refer ng ahensya ang mga posibleng pagkakaiba sa deklarasyon ng mga ari-arian nito.
Ayon sa Ombudsman, sasailalim sa paunang pagsusuri ang referral at mga kalakip na dokumento upang matukoy ang nararapat na hakbang, kabilang kung may sapat na batayan para sa karagdagang imbestigasyon alinsunod sa umiiral na mga batas at proseso.
Tiniyak din ng tanggapan na hahawakan nito ang usapin nang masusi at malaya, at hindi maiimpluwensiyahan ng pulitika.
Nauna nang inilabas ng NBI ang mga larawan at video ng mga ari-ariang umano’y may kaugnayan kay Duterte at sa kaniyang pamilya. Ayon sa ahensya, may ilang lupang idineklara bilang agricultural land na iniulat na may mga mansyon, swimming pool at helipad.
Gayunman, itinanggi ni Duterte ang mga alegasyon at ang pagmamay-ari sa mga ari-ariang iniimbestigahan ng NBI.











