--Ads--

Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapabuti ng mga kalsada, tulay at sistema ng transportasyon upang mapabilis ang paghahatid ng mga produkto at maiwasan ang kakulangan sa suplay sa harap ng banta ng Super El Niño.

Inihayag ito ng Pangulo sa pagbubukas ng bagong United Parcel Service (UPS) Clark International Air Hub sa Pampanga nitong Huwebes, Oktubre 15.

Ayon kay Marcos, kabilang sa mga hamon ng bansa ang pagsisikip ng mga daungan, kakulangan sa maayos na kalsada at limitadong cold storage facilities na nagpapataas sa gastos sa pagdadala ng mga produkto at presyo ng mga bilihin.

Binigyang-diin niya ang pangangailangang mapabilis ang transportasyon ng pagkain at iba pang pangunahing bilihin upang mapanatiling abot-kaya at madaling makuha ng mga mamamayan.

--Ads--

Samantala, mahigit 80 milyong dolyar ang inilagak ng UPS sa bagong pasilidad na inaasahang lilikha ng halos 600 trabaho. Kaya nitong magproseso ng hanggang 46,000 pakete kada araw, mula sa dating 5,000 pakete.