Suportado ng Malacañang ang posibilidad na ipagbawal ang Facebook at iba pang online gaming platforms sa gitna ng sunud-sunod na insidente ng karahasan sa mga eskuwelahan sa bansa.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro, panahon na upang pag-aralan kung nakabubuti pa ba sa bansa ang social media platform na Facebook o nakakadagdag lamang ito sa paglaganap ng fake news.
Reaksyon ito ni Castro matapos ang pahayag ng Cybercrime Investigation Coordinating Council (CICC) na ikinukonsidera ang mga suhestiyon na i-ban ang Facebook sa Pilipinas, kasunod ng mga kasong may kaugnayan sa karahasan sa mga paaralan.
Giit ng opisyal, bukas ang Palasyo sa ideya na ipagbawal ang anumang gaming o social media platform na nakakasira sa kabataan at sa bansa, lalo na kung hindi ito nagpapakita ng accountability at mabagal umaksyon sa mga pakiusap ng gobyerno upang maproteksyunan ang publiko.
Kung hindi rin aniya makatutulong sa pagprotekta sa mga kabataan, mas mabuti na silipin na kung dapat pa ba silang manatili sa sistema ng bansa.










