--Ads--

Tahasang tinanggihan ng Malacañang noong Lunes ang mungkahi ng kampo ni Sen. Alan Peter Cayetano na magkaroon muna ng pansamantalasang kaayusan sa pamamahala sa Senado. Diin ng Palasyo, ang pamumuno lamang ni acting Senate President Sherwin Gatchalian ang kanilang kinikilala sa kasalukuyan.

Kasunod ito ng naging mungkahi ni Cayetano sa pamamagitan ng kanyang abogado na si Jose Luis Montes na gumamit muna ng joint certification o magkasamang pagpapatunay ng mga kasalukuyang opisyal at ng mga nagdaang opisyal na naggigiit pa rin ng awtoridad para sa mga mahahalagang dokumento at transaksyon ng Senado.

Subalit ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro, walang idudulot na mabuti ang ganitong setup.

Ayon kay Castro sa isang press briefing, ang kinikilala ng ehekutibo ay si Senador Sherwin Gatchalian. Wala aniyang idudulot na mabuti ang ganyang kaayusan sa ngayon dahil baka matulad lang ito sa nangyari sa Kamara noon kung saan may kasunduan na nga sa term-sharing pero hindi agad ipinatupad ni Sen. Alan Cayetano.

--Ads--

Ang tinutukoy ni Castro ay ang girian sa pamumuno sa House of Representatives noong Oktubre 2020. Sa naturang insidente, nagkaroon ng kasunduan sa paghahati ng termino o term-sharing agreement sina Cayetano at Lord Alan Velasco para sa posisyon ng Speaker, ngunit tumanggi noong una si Cayetano na bumaba sa pwesto.

Dahil dito, nagtipon ang mayorya/186 na kongresista sa Celebrity Sports Plaza sa Quezon City upang ideklarang bakante ang posisyon ng Speaker, kung saan tuluyan nilang inihalal si Velasco bilang bagong pinuno ng Kamara.