Fully booked na ang ilang biyahe palabas ng probinsya sa ilang bus terminal sa Cauayan City kasunod ng pagdagsa ng mga pasaherong nagsasagawa ng advance reservation para sa Undas
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Diane Julao Maddalora, admin staff ng isang transport service, sinabi niyang punuan na ang kanilang mga destinasyon sa November 2, kabilang ang mga biyahe mula Cauayan City.
Sa ngayon, hindi pa matiyak ng pamunuan kung magdadagdag sila ng mga biyahe upang matugunan ang patuloy na pagtaas ng demand mula sa mga pasaherong uuwi o aalis ng probinsya matapos ang Undas.
Sinabi ni Maddalora na karamihan sa mga nagsasagawa ng reservation ay mga biyaherong patungo sa labas ng probinsya, kabilang ang mga manggagaling o patungo sa Maynila at Baguio.
Dahil dito, hinihikayat ang mga pasaherong may nakatakdang pagbiyahe na magsagawa ng maagang reservation upang matiyak ang kanilang upuan at maiwasan ang posibilidad na maubusan ng available na biyahe sa mga susunod na araw.
Samantala, patuloy namang minomonitor ng mga transport operator ang dami ng reservations upang matukoy kung kinakailangan nang magdagdag ng biyahe sakaling magpatuloy ang pagdagsa ng mga pasahero.











