--Ads--

Iminungkahing gawing mandatory sa bawat barangay sa Cauayan City ang pagkakaroon ng Violence Against Women and their Children (VAWC) Desk Officer at Gender and Development (GAD) Focal Person upang matiyak na may nakatalagang personnel na may sapat na kaalaman at kasanayan sa pagtugon sa mga kaso at concern na may kaugnayan sa VAWC at GAD.

Isinusulong ang panukala sa Sangguniang Panlungsod ng Cauayan sa layuning palakasin ang mekanismo ng mga barangay sa pagtugon sa mga usaping may kinalaman sa proteksyon ng kababaihan at mga bata at sa pagpapatupad ng mga programang nakatuon sa gender and development.

Ayon kay Maria Christine Ordoñez, GAD Focal Person ng Cauayan City, mahalagang magkaroon ng partikular na personnel na tututok sa mga VAWC at GAD concern sa bawat barangay, sa halip na ipasa ang mga tungkuling ito sa ibang kawani na maaaring walang sapat na training at kakayahan para sa sensitibong responsibilidad.

Ipinaliwanag ni Ordoñez na bagama’t layunin ng ordinansa na i-require ang pagkakaroon ng VAWC Desk Officer at GAD Focal Person, binibigyan pa rin nito ng flexibility ang mga punong barangay sa paraan ng pagtatalaga at pagpapatupad ng naturang mga tungkulin.

--Ads--

Kabilang dito ang pagtatakda ng iskedyul ng duty batay sa aktuwal na pangangailangan ng barangay, sa halip na awtomatikong ipatupad ang araw-araw na pagpasok ng itatalagang personnel.

Lumutang sa deliberasyon ng konseho ang usapin sa magiging honorarium at duty schedule ng mga itatalaga, partikular kung makatarungan at praktikal ang araw-araw na pagpasok kung hindi naman regular ang pagtanggap ng mga reklamo at concern na may kaugnayan sa VAWC.

Kabilang sa mga opsyong tinatalakay ang pagtatakda ng ilang araw ng duty kada linggo, gaya ng dalawang beses kada linggo, habang nananatiling nakahanda ang itinalagang personnel na tumugon kapag may kailangang aksyunan.

Maaari ring isang tao lamang ang magsilbing VAWC Desk Officer at GAD Focal Person sa isang barangay, alinsunod sa probisyon ng panukala at sa kapasidad ng bawat barangay.

Gayunman, binibigyang-diin sa panukala ang kahalagahan ng tamang pagtatalaga ng personnel. Hindi umano dapat basta-basta ipasa sa ibang staff ng barangay ang tungkulin kung wala silang kaukulang kakayahan at training para sa paghawak ng VAWC at GAD concerns.

Kaugnay nito, kinakailangang dumaan sa kaukulang training ang mga itatalagang VAWC Desk Officer at GAD Focal Person upang matiyak na may sapat silang paghahanda sa paghawak ng mga reklamo at sa pagpapatupad ng mga kaugnay na programa at intervention.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang deliberasyon ng Sangguniang Panlungsod sa panukalang ordinansa. Kabilang sa patuloy na sinusuri ang mga probisyon ukol sa honorarium, iskedyul ng duty, paraan ng pagtatalaga at iba pang mekanismo upang matiyak na magiging praktikal at epektibo ang pagpapatupad nito sa bawat barangay.

Sa sandaling maisapinal, inaasahang magbibigay ang ordinansa ng mas malinaw na sistema sa pagtatalaga ng mga personnel na magiging unang tutugon sa mga VAWC at GAD-related concerns sa antas ng barangay.