Kumpirmadong isinilang na ni Alex Gonzaga ang panganay nilang anak ng kanyang asawang si Lipa City Vice Mayor Mikee Morada.
Kinumpirma ito ng ina ni Alex na si Mommy Pinty, matapos mapansin ng publiko ang makahulugang caption ng aktres sa kanyang maternity photos na ibinahagi noong Martes, Agosto 25.
Sa kanyang post, sinabi ni Alex na mami-miss niya ang panahong dinadala pa niya sa kanyang sinapupunan ang kanyang baby, na tila nagpapahiwatig na siya ay nakapanganak na.
Ayon kay Mommy Pinty, isang baby boy ang isinilang ni Alex, ngunit hindi nito ibinahagi kung kailan at saan siya nanganak. Nilinaw rin nito na hindi kambal ang kanilang anak.
Wala pa ring opisyal na pahayag sina Alex at Mikee tungkol sa panganganak. Samantala, may ilang larawan at video na kumakalat sa social media na sinasabing kuha umano sa panganganak ng aktres.
Gayunman, napag-alamang may ilan sa mga kumakalat na content na likha lamang gamit ang artificial intelligence o AI.
Sa ngayon, hinihintay pa rin ang opisyal na anunsyo nina Alex at Mikee tungkol sa kanilang panganay na anak.





