--Ads--

Inamin ni Engr. Eduard Jong Cortes na dumaan siya sa matinding pagsubok at self-doubt habang naghahanda para sa Sanitary Engineers Computer-Based Licensure Examination, ngunit nagbunga ang kanyang pagsisikap nang makamit niya ang ika-7 puwesto sa pagsusulit.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Cortes, sinabi niya na isa sa pinakamahirap na bahagi ng kaniyang review ang pag-condition sa sarili na handa na siyang sumabak sa board examination.

Dagdag niya, hindi rin naging mataas ang kaniyang mga nakukuhang score sa ilang assessment habang nagre-review.

Gayunman, sa halip na panghinaan ng loob, ginawa umano niyang inspirasyon ang mga ito upang lalo pang magsikap at pagbutihin ang kaniyang paghahanda.

--Ads--

Nagsimula si Cortes na mag-review noong Hunyo at ipinagpatuloy ito hanggang Agosto sa Maynila bago sumabak sa licensure examination.

Samantala, ibinahagi rin ni Cortes na hindi Sanitary Engineering ang kaniyang unang pangarap na kurso. Civil Engineering umano ang una niyang nais kunin, ngunit nang malaman niyang maaari niyang pagsabayin ang Civil Engineering at Sanitary Engineering sa Mapúa University, pinili niyang kunin ang oportunidad.

Kalaunan, aniya, ay napamahal na siya sa Sanitary Engineering.

Samantala, hindi rin umano niya inaasahan ang kaniyang naging ranking nang lumabas ang resulta.

Sa halip na listahan ng mga pumasa ang una niyang nabuksan, napunta siya sa listahan ng Top 10 at doon nakita ang kaniyang pangalan sa ika-7 puwesto.

Aniya, ang una lamang niyang inaasam noon ay makapasa sa pagsusulit kaya hindi niya agad napaniwalaang kabilang siya sa mga topnotchers.

Malaki naman umano ang naging ambag ng kaniyang pamilya sa kaniyang tagumpay, partikular ang kaniyang mga magulang, mga kapatid at iba pang kamag-anak na patuloy na sumuporta sa kaniyang pag-aaral.

Sa ngayon, nakatuon si Cortes sa pagtatapos ng kaniyang pag-aaral at pagsisimula ng kaniyang professional practice bilang licensed Sanitary Engineer.

Hinikayat naman niya ang mga naghahanda para sa board examination na magtiwala sa sarili, patuloy na magsanay at huwag panghinaan ng loob sa mga mababang score o pagkabigo.