Mahigit 700 residente ang inilikas dahil sa matinding pagbaha sa Cabangan, Zambales, habang ilang pangunahing kalsada naman sa Metro Manila ang binaha dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan.
Ayon sa Cabangan MDRRMO, 245 pamilya o 719 indibidwal ang nasa 10 evacuation centers, kabilang ang 180 pamilya mula sa Barangay Mabanglit kung saan hindi rin madaanan ang National Highway dahil sa malalim na baha.
Apektado rin ng baha ang ilang barangay sa Cabangan, kabilang ang Apo-Apo, San Rafael, Anonang, Casabaan, Cadmang at Sta. Rita, habang nalubog din ang ilang sakahan.
Samantala, batay sa huling ulat ng MMDA nitong Sabado, Agosto 29, ilang kalsada sa Parañaque, Las Piñas, Valenzuela, Mandaluyong, Manila at Malabon ang nakaranas ng pagbaha.
Pinapayuhan ang mga motorista na mag-ingat, manatiling alerto at maglaan ng dagdag na oras sa biyahe dahil sa mga binahang kalsada.











