Nananawagan si Vice President Sara Duterte na panagutin si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at mga miyembro ng Kongreso sa pagpasa ng mga pambansang badyet para sa 2024 at 2025, gayundin sa ilang probisyon ng 2026 General Appropriations Act (GAA), na idineklarang unconstitutional ng Korte Suprema.
Sa pahayag nitong Miyerkules, pinasalamatan ni Duterte ang Korte Suprema sa pagpapatibay sa Konstitusyon kasunod ng desisyon nito kaugnay ng iregular na pagtaas ng unprogrammed appropriations na lumampas sa panukalang badyet ng Pangulo.
Kabilang sa mga tinukoy ng Korte Suprema ang P449.5-bilyong pagtaas sa unprogrammed appropriations sa 2024 budget at karagdagang P17.99 bilyon para sa Special Road Fund ng Department of Public Works and Highways sa 2025 budget. Idineklara rin nitong unconstitutional ang ilang probisyon hinggil sa unprogrammed appropriations sa 2026 GAA.
Ayon kay Duterte, kailangang ipaliwanag ni Marcos kung bakit niya nilagdaan ang mga badyet na hindi umano tumutugma sa panukala ng kaniyang administrasyon. Samantala, sinabi ng Malacañang na hihiling ito sa Korte Suprema na muling pag-aralan ang desisyon at iginiit na sumunod lamang ang Pangulo sa umiiral na mga patakaran.











