--Ads--

Nakatanggap ng panibagong arrest warrant mula sa mga korte sa Zambales at Surigao ang ilang dating bodyguard umano ni dating Ako Bicol party-list Representative Zaldy Co, habang nakapiit ang ilan sa kanila sa San Juan City Police Station.

Nauna nang nakapagpiyansa sina Atty. Levito Baligod at apat na dating bodyguard matapos arestuhin dahil sa kasong unjust vexation. Gayunman, tatlo sa mga dating bodyguard na nakalaya sana ay boluntaryong sumuko muli sa pulisya matapos matanggap ang panibagong warrant mula sa korte sa Iba, Zambales.

Habang hinihintay ng media ang pagpapalaya sa iba pang mga dating bodyguard, naiulat din ang panibagong arrest warrant mula sa Surigao. Sa ngayon, hindi pa nakatatanggap ng kopya nito ang kampo ng mga dating bodyguard.

Matatandaang kabilang ang mga ito sa 18 dating bodyguard na nag-akong naghatid ng mga maleta ng pera sa ilang personalidad, kabilang si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. Gayunman, apat sa kanila ang bumawi na sa kanilang mga naunang pahayag.

--Ads--