Matagumpay na naaresto ang dalawa mula sa tatlong empleyado ng Leisaphil Consultancy and Immigration Services sa Santiago City na sangkot sa illegal recruitement ng mga Overseas Filipino Worker o OFW na umano’y nag-aalok ng trabaho bilang healthcare worker papuntang Ireland sa isang entrapment operation na ikinasa ng pinagsanib na pwersa ng CIDG Isabela at ng Department of Migrant Worker Region 2, Migrant Worker Protection Bureau sa Barangay Rizal Santiago City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Atty. Rogelio Benitez ng DMW Region 2, sinabi niya na ilang buwan nang minamanmanan ng kanilang Migrant Workers Protection Division ang naturang kompanya matapos makatanggap ng mga ulat at reklamo hinggil sa umano’y pag-aalok nito ng trabaho sa ibang bansa.
Ang naturang negosyo ay dating gumagamit ng pangalang Learghusa Philippines – Immigration, Visa & Travel Agency kalaunan ay nag-operate bilang Leisaphil Consultancy and Immigration Services sa Barangay Rizal, Santiago City.
Batay sa records ng Department of Trade and Industry o DTI, nagsimula umanong mag-operate ang negosyo bilang immigration consultancy noong 2020.
Ayon sa DMW, nakatanggap sila ng mga reklamo mula sa ilang indibidwal na umano’y inalok ng trabaho sa ibang bansa.
Dahil dito, nagsagawa ang Migrant Workers Protection Division ng serye ng surveillance upang mapatunayan kung talagang nagsasagawa ng recruitment activities ang naturang consultancy.
Nakumpirma umano ng DMW na may isinasagawang overseas recruitment sa kompanya kahit ang nakarehistrong nature of business nito ay consultancy at immigration services lamang.
Ipinaliwanag ng DMW na ang pagsasagawa ng overseas recruitment activities nang walang kaukulang lisensya o awtoridad mula sa pamahalaan ay maituturing na illegal recruitment sa ilalim ng batas.
Dahil dito, nakipag-ugnayan ang DMW Region 2 sa kanilang central office at sa CIDG Isabela upang magsagawa ng entrapment operation.
Sa nasabing modus naniningil ang nasabing mga suspek ng 15,000 para sa initial assestment at ang kabuuang gastos ay maaaring umabot ng 350,000 mula evaluation, welfare hanggang sa makaalis sa bansa kapalit ang pangakong sahod na 3,300 euro o katumbas ng 230,000 pesos.
Tatlong empleyado umano ng naturang consultancy ang natukoy na sangkot sa illegal recruitment activities.
Gayunman, dalawa lamang sa mga ito ang naaresto sa isinagawang operasyon matapos umanong hindi pumasok sa trabaho ang isa pang suspek.
Nasa kustodiya ngayon ng CIDG ang dalawang naarestong empleyado, habang patuloy namang hinahanap ang isa pang suspek.
Ayon sa DMW, bagama’t dalawa lamang ang naaresto sa entrapment operation, ang posibleng pagsasampa ng kaso ay laban sa tatlong empleyadong umano’y sangkot sa illegal recruitment.
Samantala, wala pang tiyak na bilang ang DMW sa mga posibleng biktima o aplikanteng nakipagtransaksyon sa naturang consultancy.
Sa ngayon, dalawang indibidwal pa lamang umano ang direktang nakapag-report sa DMW Region 2, habang mayroon ding mga ulat na natanggap ang kanilang central office at ang CIDG.
Inaasahan naman ng DMW na mas marami pang posibleng biktima ang lalapit at magsusumbong matapos ang pagkakaaresto sa mga suspek.
Dahil sa insidente ay hinihikayat ng DMW Region 2 ang iba pang mga nabiktima na lumantad para sa mas malakas na kaso laban sa mga suspek at masikap na maibalik ang nawala nilang pera.











