--Ads--

Pinaigting ng Department of Migrant Workers o DMW Region 2 ang kampanya kontra illegal recruitment sa pamamagitan ng information dissemination, pakikipag-ugnayan sa mga Public Employment Service Office o PESO at pagsasagawa ng mga seminar sa mga paaralan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay DMW Region 2 Regional Director Roger Benitez, sinabi nitong mahalaga ang pagbibigay ng sapat na kaalaman sa publiko upang matukoy ng mga naghahangad na makapagtrabaho sa ibang bansa ang mga modus ng illegal recruiters.

Kabilang sa mga hakbang ng ahensya ang pakikipagtulungan sa mga media partner para sa pagpapalaganap ng impormasyon, gayundin ang pagbibigay-kaalaman sa mga PESO officer sa buong rehiyon upang matulungan ang mga mamamayang may katanungan hinggil sa mga kahina-hinalang recruitment activities.

Patuloy rin ang pakikipag-ugnayan ng DMW sa mga pampubliko at pribadong higher education institution para sa pagsasagawa ng pre-employment orientation seminar at mga talakayan kontra illegal recruitment at trafficking in persons.

--Ads--

Binigyang-diin ni Benitez na hindi lamang mga recruitment agency ang maaaring masangkot sa illegal recruitment, dahil mayroon ding mga language school, visa consultancy at maging mga TESDA-accredited school na maaaring magsagawa ng recruitment nang walang kaukulang lisensiya o awtorisasyon.

Pinaalalahanan din niya ang mga aplikante na beripikahin muna sa DMW ang lehitimong katayuan ng recruitment agency at ang mga kondisyon ng trabahong iniaalok bago magbigay ng pera o magpatuloy sa aplikasyon.

Dagdag pa ng opisyal, dapat maging mapanuri ang publiko sa mga job advertisement sa social media, lalo na kung walang nakasaad na lisensiya ng recruitment agency, malinaw na contact information o pisikal na opisina, at ang pakikipag-ugnayan ay sa pamamagitan lamang ng pribadong mensahe.

Ipinaliwanag din ni Benitez na nagkakaiba ang mga patakaran sa placement fee depende sa uri ng trabaho at job order. Kaya naman, hinihikayat ang mga aplikante na kumonsulta muna sa DMW bago magbayad upang matiyak kung pinahihintulutan ang naturang singil.

Muling nanawagan ang DMW Region 2 sa mga media partner at iba pang sektor na makiisa sa pagpapalaganap ng impormasyon upang maiwasan ang pagdami ng mga nabibiktima ng illegal recruitment.