Tiniyak ng Department of Migrant Workers o DMW ang monitoring at aksyon sa dumaraming kaso ng illegal recruitment na nagaganap sa social media, kung saan tinatayang siyam sa bawat sampung online job offers ay hindi lehitimo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay DMW Undersecretary Bernard Olalia, sinabi nitong patuloy nilang minomonitor ang iba’t ibang online platforms kung saan maraming indibidwal ang nag-aalok ng trabaho, ngunit kadalasan ay panlilinlang lamang.
Ayon kay Undersecretary Olalia, ginagamit ng mga illegal recruiter ang social media, kabilang ang messaging apps at online payment platforms tulad ng GCash, upang makahikayat ng mga biktima.
Binigyang-diin ng opisyal na ang mga lehitimong recruiter ay hindi humihingi ng bayad online at hindi rin basta nakikipagtransaksyon sa pamamagitan lamang ng social media.
Ipinaliwanag din niya na sa tamang proseso, sinusuri muna ang kwalipikasyon ng aplikante kabilang ang educational attainment at karanasan bago ito itugma sa posibleng employer.
Sinusundan ito ng pormal na interbyu at pagproseso ng mga dokumento sa Department of Migrant Workers, kabilang ang pagkuha ng Overseas Employment Certificate o OEC.
Dahil dito, muling hinihikayat ng ahensya ang publiko na maging mapanuri at tiyaking dumadaan lamang sa lehitimong proseso ang kanilang aplikasyon upang maiwasan ang pagiging biktima ng illegal recruitment.











