Ligtas nang napauwi ng Pilipinas ang tatlong Pilipino mula sa Lambak ng Cagayan na naging biktima ng illegal recruitment at human trafficking sa Thailand.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Rogelio Benitez, Regional Director ng DMW Region 2, sinabi niyang isang OFW sa Thailand ang nag-recruit sa mga biktima at pinangakuan sila ng malaking sweldo. Tourist visa lamang umano ang kanilang ginamit.
Pagdating sa Thailand, dinala sila sa isang scam hub kung saan pinilit silang mag-operate ng iba’t ibang scam gamit ang artificial intelligence, cryptocurrency, online gambling, love scam at online illegal recruitment.
Hawak umano ng kanilang employer ang kanilang passport at nang hindi makamit ang quota ay binubugbog, hindi pinapakain at hindi pinapasahod ang mga biktima.
Samantala, nagsasagawa ang DMW ng service caravans at job fairs upang mabigyan ng lehitimong trabaho ang mga job seeker at maprotektahan sila laban sa illegal recruitment.
Nakikipagtulungan din ang DMW Protection Division sa mga State Universities and Colleges para sa pre-employment orientation at anti-illegal recruitment programs.











