Nagsimula na ang mass burial sa Nepal para sa daan-daang biktima ng malawakang pagbaha at pagguho ng lupa na hindi pa nakikilala, habang patuloy na hinahanap ng kanilang mga pamilya ang mahigit 3,000 kataong nawawala.
Isinagawa ang paglilibing sa Devghat forest sa Chitwan, na nasa halos 200 kilometro mula sa mga lugar sa Rasuwa na matinding sinalanta ng kalamidad.
Ayon sa mga awtoridad, 96 bangkay na hindi pa nakikilala ang inilibing noong Sabado at mahigit 100 pa ang inilibing noong Linggo habang nagpapatuloy ang retrieval operations sa mga ilog at bunton ng debris.
Tinatayang nasa 750 katao na ang nasawi matapos ang flash flood na iniuugnay sa pagguho ng yelo o glacier, na rumagasa sa mga lambak sa hangganan ng Nepal at Tibet,China.
Gumamit ang mga awtoridad ng detalyadong sistema sa pagtatala ng bawat libingan, kabilang ang mga identification marker at eksaktong lokasyon, upang madali pa ring mahanap at mahukay ang mga labi sakaling makilala ang mga ito sa hinaharap.
Kumuha rin ang mga awtoridad ng DNA samples mula sa mga hindi pa nakikilalang biktima para makatulong sa pagtukoy sa kanilang pagkakakilanaln. Tumulong na rin ang isang forensic team mula India, habang nakikipag-ugnayan din ang Nepal sa mga eksperto mula China.
Samantala, patuloy ang paghahanap ng mga pamilya sa mga nawawala nilang kaanak. Mahigit 200 katao ang nagtungo sa Chitwan Expo Centre kung saan inaasahang ipapakita ang mga larawan ng mga narekober na bangkay para sa posibleng pagkilala.
Patuloy naman ang recovery operations habang dumarami ang mga bangkay na nakukuha mula sa mga ilog at debris, na nagpapakita sa lawak ng pinsalang iniwan ng kalamidad sa Nepal.









