Hindi bababa sa 21 katao ang nasawi habang lima ang nawawala matapos ang ilang araw na malalakas na pag-ulan na nagdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa sa iba’t ibang bahagi ng Nepal.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Authority o NDRRMA, 14 sa mga nasawi ay biktima ng landslide, apat ang namatay dahil sa pagbaha at tatlo naman ang nasawi dahil sa tuloy-tuloy na malakas na ulan.
Umabot sa daan-daang insidente ng landslide at pagbaha ang naitala mula Setyembre 24 hanggang 27 matapos magdala ng malakas hanggang matinding pag-ulan ang isang low-pressure system mula sa Bay of Bengal.
Tinatayang 3,000 residente ang inilikas mula sa mga lugar na nasa panganib, habang ilang kalsada at highway ang hindi madaanan dahil sa mga pagguho ng lupa. Nagbabala rin ang mga awtoridad matapos lumampas sa danger level ang Narayani River at umabot sa mga komunidad ang tubig.
Samantala, isang avalanche ang tumama sa base camp ng 7,126-meter na Himlung Himal sa Manang district.
Apat na bangkay na ang narekober at patuloy na hinahanap ang 12 lokal na manggagawa at guides na nawawala matapos matabunan ng snow ang bahagi ng base camp. Sampung iba pa ang nailigtas at isinakay sa helicopter pababa ng bundok.
Nangyari ang avalanche habang naghahanda ang mga manggagawa at guides para sa pagdating ng mga foreign climber na aakyat sa bundok ngayong autumn climbing season.
Patuloy ang search and rescue operations habang nananatiling mahirap ang kondisyon ng panahon sa ilang bahagi ng Himalayan nation.











