Napili ang awiting “Sobra-Sobra” bilang opisyal na kinatawan ng Pilipinas sa kauna-unahang Eurovision Song Contest Asia 2026 matapos itong tanghaling kampeon sa ginanap na Pili, Pinas selection night nitong Sabado.
Inawit ni Carmelle Collado, ang “Sobra-Sobra” ay isinulat nina Nica del Rosario at Mat Olavides. Kakatawanin nito ang bansa sa prestihiyosong kompetisyon na gaganapin sa Nobyembre 14 sa Bangkok, Thailand.
Nalampasan ng “Sobra-Sobra” ang siyam pang kalahok na awitin mula sa ilan sa mga kilalang songwriter at performers sa bansa. Nakuha naman ng “Broken Beyond Repair” na inawit ng SAGA ang ikalawang puwesto, habang pumangatlo ang “Mapadama” nina JM dela Cerna at Marielle Montellano.
Pinangunahan nina Vice Ganda, Darren Espanto at Alexa Ilacad ang Pili, Pinas, na nagtampok din ng mga pagtatanghal mula kina Jed Madela, Angeline Quinto, Klarisse de Guzman at Vina Morales, bukod sa iba pang kilalang artista at mang-aawit.





