--Ads--

Target ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela na mabigyan ng tig-25 streetlights ang bawat barangay sa lalawigan bago matapos ang taon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Isabela Governor Rodolfo “Rodito” Albano III, sinabi nito na nasimulan na ang pamamahagi ng mga streetlights sa ilang bayan. Gayunman, nilinaw niyang hindi ito maipamamahagi nang sabay-sabay dahil paunti-unti ang dating ng suplay kaya inuuna ang mga lugar na higit na nangangailangan.

Ayon sa gobernador, umabot sa ₱250 milyon ang inilaan na pondo para sa naturang proyekto.

Layunin ng programa na mapailawan ang lahat ng barangay sa lalawigan upang maging mas ligtas ang paglalakad at pagbibiyahe ng mga residente lalo na sa gabi.

--Ads--

Bukod dito, sisimulan na rin ngayong taon ang pamamahagi ng mga Starlink internet units sa mga paaralan at barangay hall upang mapalawak ang internet connectivity sa mga komunidad.

Prayoridad na mabigyan ng internet access ang mga paaralang wala pang koneksyon upang magkaroon ng mas malawak na access ang mga guro at mag-aaral sa impormasyon at mga makabagong kagamitan sa pagkatuto.

Para naman sa buwanang bayarin sa internet, sinabi ng gobernador na paghahatian ito ng pamahalaang panlalawigan, mga lokal na pamahalaan, mga barangay, at mga paaralan na makikinabang sa programa.