Nanawagan ng tulong ang mga magsasaka sa bayan ng San Agustin, Isabela kaugnay sa hindi pa ganap na operasyon ng irrigation project na inaasahan nilang makapagbibigay ng sapat na suplay ng tubig sa kanilang mga sakahan.
Sa isinagawang Mobile Session ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela nitong September 7, sinabi ng isang kinatawan ng sektor ng mga magsasaka na umaabot sa 1,602 ektarya ang rice farm area sa 14 na barangay na sakop ng proyekto.
Ayon sa kanya, nagsimula ang konstruksyon noong 2011 at nagpatuloy ang paglalaan ng pondo hanggang sa mga sumunod na taon, subalit hanggang ngayon ay hindi pa rin umano ganap na operational ang mga kanal.
Ilan umano sa mga pasilidad ang nasira at wala ring malinaw na source of water para sa irrigation system.
Dahil dito, tinatayang 80 porsiyento ng mga magsasaka sa lugar ang umaasa lamang sa ulan para sa kanilang pagtatanim, dahilan upang may ilan na hindi nakapagtanim ng palay sa kasalukuyang panahon.
Hiniling ng mga magsasaka sa Pamahalaang Panlalawigan na mabigyang-pansin ang proyekto upang maging ganap na operational ang irrigation system at matupad ang kanilang pangarap na magkaroon ng sapat na suplay ng tubig para sa kanilang mga sakahan.
Samantala, sinabi ni Vice Governor Francis Faustino “Kiko” Dy na paiimbestigahan muna nila ang usapin katuwang ang mga lokal na opisyal ng San Agustin.
Tiniyak din niya na magbibigay ng kaukulang assistance ang Pamahalaang Panlalawigan upang matugunan ang concerns ng mga magsasaka.











