Itatampok ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela ang mga natatanging produkto, pagkain, kultura at tourist destinations ng lalawigan bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Tourism Month ngayong Setyembre.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Tourism Officer Joanne Maranan, kabilang sa mga nakatakdang aktibidad ang pagdadala sa Maynila ng iba’t ibang produkto ng Isabela mula Oktubre 19 hanggang 25, upang maipakita sa mas malawak na merkado ang galing ng mga Isabeleño sa pagluluto, paggawa ng pagkain at iba pang produktong lokal.
Samantala, isinagawa na ang kick-off program para sa National Tourism Month sa Isabela kabilang sa unang aktibidad ang paglulunsad ng exhibit sa Isabela Museum and Library, kung saan tampok ang mga lokal na produkto, tourism awards, artworks at iba pang likha ng mga Isabeleno.
Nakipagtulungan din ang Provincial Tourism Office sa Isabela State University upang maipakita ang mga obra ng mga architecture students, bilang pagkilala sa kanilang talento at kakayahan.
Bukod dito, ipinakilala rin sa kick-off program ang iba’t ibang aktibidad na inihanda ng mga munisipalidad at lungsod sa buong lalawigan para sa Tourism Month.
Hinimok naman ni tourism Officer Maranan ang publiko na bisitahin ang social media page ng Isabela Tourism Office upang malaman ang mga schedule ng mga aktibidad sa iba’t ibang bayan, lungsod at sa buong lalawigan.
Nagbigay rin ng pagtatanghal ang pangkat mananayaw ng ISU Ilagan, habang inilunsad naman ang bagong tourism video na “Bagong Tuklas, Bagong Bukas,” na hango sa tema ng Bambanti Festival 2026 at nagtatampok sa mga tourism sites at produkto ng Isabela.
Muling isasagawa ngayong taon ang “I Know Isabela” trivia game show tuwing Miyerkules, alas-dose ng tanghali, simula sa susunod na Linggo, kung saan maaaring makilahok ang publiko at manalo ng mga papremyo sa pagsagot sa mga tanong tungkol sa Isabela.
Magpapatuloy rin ang Isabela’s Got Talent, kung saan nakatakda ang ikatlong battle round sa Setyembre 17.
Mayroon ding souvenir-making contest na layong makalikha ng mga produktong maaaring gawing giveaways sa mga susunod na aktibidad, kabilang ang Bambanti Festival.
Nakatakda rin ang Tourism Forum para sa mga tourism students, General Assembly at Regional Sports Festival ng mga tourism officers sa Region 2, gayundin ang unang Dayaw Awards ng DOT Region 2 sa Setyembre 25.
Samantala, sinabi ni Maranan na nagsimula na rin ang paghahanda para sa Bambanti Festival 2027.
Hindi pa aniya pinal ang eksaktong petsa ng festival dahil pinag-aaralan pa kung isasagawa ito sa ikatlo o huling linggo ng Enero. Inaasahang iaanunsyo ang final date bago matapos ang Setyembre.
Kabilang din sa kanilang isinusulong ang Isabela Food Crawl, na isinasagawa katuwang ang DOT Region 2.
Mula sa orihinal na dalawang araw, pinalawak na sa tatlong araw ang food crawl upang maisama ang mas maraming pagkain, produkto at karanasan na maaaring matuklasan ng mga turista sa lalawigan.
Layunin nitong maipakita hindi lamang ang mga pagkaing ipinagmamalaki ng Isabela kundi maging ang kultura, kasaysayan at iba pang atraksyon ng lalawigan.







