Nilinaw ng pamunuan ng New Quezon City Jail na pinapayagan lamang manatili sa loob ng selda ni dating House Speaker at Leyte Representative Martin Romualdez ang kaniyang personal staff tuwing oras ng pagbisita.
Sa pagdinig ng Sandiganbayan Third Division nitong Lunes hinggil sa kinaroroonan at kondisyon ng pagkakakulong ni Romualdez, sinabi ni Jail Warden Lourdes Pacion na si Arvin de Guzman ay kabilang lamang sa opisyal na listahan ng mga bisita.
Kinumpirma ni Pacion na pinapayagan si De Guzman na manatili sa selda mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon, ngunit maaari itong tawagan anumang oras kung kinakailangan.
Humingi rin ng paumanhin ang jail warden sa korte matapos na una niyang sabihin na 24 oras na pinapayagang manatili ang personal staff sa tabi ng dating mambabatas.
Samantala, kinumpirma ni Romualdez’s legal counsel Judd Roy na hiniling ng kanilang kampo sa Bureau of Jail Management and Penology na payagan si De Guzman na tumulong sa pangangalagang medikal ng dating House Speaker, dahil matagal na umano itong personal staff at pamilyar sa kaniyang mga gamot at pangangailangang pangkalusugan.
Kasalukuyang nakapiit si Romualdez kaugnay ng kinakaharap na kasong plunder na nagkakahalaga ng P7.4 bilyon, kasama ang tatlo pang indibidwal, dahil sa umano’y pagkakasangkot sa kickback scheme sa mga flood control project.











