--Ads--

Patuloy na pangamba ng mga mamimili ang paghina ng halaga ng piso kontra dolyar dahil maaari umano itong magdulot ng panibagong pagtaas sa presyo ng mga bilihin.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Sonny Africa, Executive Director ng IBON Foundation, sinabi niya na nakababahala ang patuloy na paghina ng piso dahil direktang nakaaapekto ito sa presyo ng mga imported na produkto, kabilang ang pagkain, petrolyo, at iba pang pangunahing pangangailangan.

Bagama’t bumagal ang inflation rate, nilinaw ni Africa na hindi nangangahulugan itong bumababa na ang presyo ng mga bilihin. Aniya, nananatiling mataas ang presyo ng mga pangunahing pangangailangan, at higit na ramdam ito ng mga pamilyang mababa ang kita dahil malaking bahagi ng kanilang gastusin ay napupunta sa pagkain.

Kaugnay nito, nanawagan ang IBON Foundation sa pamahalaan na agad gumawa ng mga hakbang upang mapigilan ang patuloy na pagtaas ng presyo, partikular sa mga pangunahing bilihin at produktong petrolyo.

--Ads--

Ayon kay Africa, maaaring gamitin ng gobyerno ang mga umiiral na emergency powers at mga mekanismo sa price control upang mabawasan ang epekto ng paghina ng piso sa mga mamamayan.

Paliwanag ni Africa, bagama’t lahat ay makararamdam ng epekto ng paghina ng piso, pinakamalaking tama nito ang mga mahihirap at lower middle class.

Bukod sa pagkain at petrolyo, maaari ring tumaas ang presyo ng mga imported na produkto at manufactured goods na ginagamit ng mga Pilipino.

Dagdag pa niya, mas limitado ang kakayahan ng mga pamilyang mababa ang kita na tugunan ang dagdag-gastos dahil hindi sapat ang kanilang kinikita para sa pang-araw-araw na pangangailangan.

Samantala, kung magpapatuloy ang paghina ng piso habang hindi tumataas ang sahod ng mga manggagawa, maaari rin umanong bumaba ang purchasing power ng mga Pilipino. Ibig sabihin, kahit pareho ang halaga ng kinikita ng isang manggagawa, mas kaunti na lamang ang mabibili nito dahil patuloy na tumataas ang presyo ng mga produkto at serbisyo.

Nananawagan ang IBON Foundation ng agarang intervention ng pamahalaan upang maprotektahan ang mga pamilyang higit na apektado ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.