Nagpaalala ang Barangay Tagaran sa Cauayan City sa mga residente at mga bumibisita sa lugar na agad idulog sa barangay ang anumang hindi pagkakaunawaan upang maiwasang mauwi sa kaguluhan at pisikal na komprontasyon.
Ito ay kasunod ng bugbugang kinasangkutan ng apat na kabataan sa Purok 1, Barangay Tagaran, na una nang naiulat matapos dalhin sa pagamutan ang mga nagtamo ng mga sugat at galos.
Matatandaang apat na kabataan ang nasangkot sa insidente. Kabilang dito ang isang 18-anyos na lalaki, isang 14-anyos na lalaki, isang 14-anyos na babae, at isang 13-anyos na lalaki.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Kagawad Daniel Acob ng Barangay Tagaran, lumalabas sa paunang impormasyon na nagsimula ang komprontasyon bago naganap ang aktuwal na bugbugan sa paligid ng sports complex.
Ayon kay Acob, nagkaroon muna umano ng gitgitan sa bahagi ng bypass road bago nagkaroon ng habulan sa pagitan ng mga sangkot.
Umabot ang habulan hanggang sa sports complex kung saan ipinagpatuloy ang pisikal na komprontasyon.
Tatlong lalaki at isang babae ang sinasabing sangkot sa insidente at Pawang nagmula umano sa Bayan ng Reina Mercedes ang mga ito at pinaniniwalaang magkakakilala.
Sinabi ni Acob na kabilang sa nagtamo ng pinsala ang isang babae na umano’y nasuntok sa mukha at tiyan. Dalawa pang lalaki ang nagtamo rin ng mga sugat. Samantala, isang sangkot ang hindi agad natagpuan at patuloy pang tinutukoy ng barangay ang kinaroroonan nito.
May mga bakal din umanong nasangkot sa kaguluhan. Patuloy pa ring inaalam ng barangay kung paano eksaktong nasangkot ang mga ito sa komprontasyon.
Patuloy naman ang pagsusuri ng barangay sa mga kuha ng CCTV sa lugar upang malinawan ang buong pangyayari. Kabilang dito ang pagtukoy sa tunay na pinagmulan ng alitan at kung paano ito nauwi sa pananakit.
Batay rin sa paunang impormasyon, bahagyang nakainom umano ang ilan sa mga sangkot bago ang insidente. Hindi pa naman matiyak ng barangay kung may direktang kaugnayan ito sa naging komprontasyon.
Ayon kay Acob, ito ang unang pagkakataon na nakapagtala ng ganitong insidente sa kanilang lugar. Regular naman umanong iniikutan ng mga barangay personnel ang paligid ng sports complex.











