Inirekomenda ng cardiologist ng Cardinal Santos Medical Center na maghintay ng apat hanggang anim na linggo bago ilipat si dating House Speaker Martin Romualdez sa ibang pasilidad para sa independent medical evaluation.
Sa pagdinig ng Sandiganbayan Third Division ngayong Biyernes, sinabi ni Dr. Rody Sy na magiging “professional recklessness” para sa mga doktor kung agad na ililipat si Romualdez dahil may 10 hanggang 20 porsyentong posibilidad ng untoward incident.
Gayunman, sinabi ni Sy na hindi nila tututulan ang paglipat kung maisasagawa ito sa tamang panahon at sa ospital na may kumpletong pasilidad.
Nauna nang sinabi ni Sy na cardiovascularly stable si Romualdez, bagama’t umabot sa 170/110 ang kaniyang blood pressure bandang alas-5 ng hapon nitong Huwebes. Nadagdagan din ang kaniyang sleep medication.
Matatandaang inatasan ng Sandiganbayan si Romualdez na dumalo sa pagdinig nitong Huwebes, ngunit hindi siya pinayagan ng kaniyang mga doktor dahil sa kaniyang kondisyon.











