Dumating na sa New Quezon City Jail sa Payatas si dating House Speaker at Leyte Representative Martin Romualdez kung saan siya mananatiling nakadetine matapos ang utos ng Sandiganbayan.
Ang kanyang paglilipat ay isinagawa matapos pagbatayan ng Sandiganbayan Third Division ang findings ng Philippine General Hospital at mga testimonya ng mga doktor hinggil sa kanyang kalagayan sa kalusugan.
Nahaharap si Romualdez sa kasong plunder kaugnay ng umano’y P7.2 bilyong kickback mula sa mga proyektong pang-imprastraktura ng pamahalaan sa pagitan ng 2022 at 2025.
Kasama rin sa mga kinasuhan ang dating Ako Bicol Representative Zaldy Co, Samchan Foreign Exchange Corporation President Felicito Guevarra at personal assistant ni Romualdez na si Joselin Sereño, na nananatili pang at large.
Sa isang pahayag, sinabi ni Romualdez na iginagalang niya ang naging desisyon ng Sandiganbayan at haharapin niya ang mga kasong isinampa laban sa kanya sa tamang hukuman.
Iginiit din nito na nananatili siyang inosente sa mga paratang habang nagpapatuloy ang pagdinig sa kaso.










