--Ads--

Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa dalawang magkahiwalay na pagsabog na naitala ngayong gabi sa Cotabato City, ilang oras bago ang BARMM Parliamentary Elections, na nagresulta sa pagkakasugat ng isang indibidwal.

Sa inisyal na impormasyon mula sa mga awtoridad, unang naitala ang pagsabog sa Purok Amirol, MB Kalanganan, Cotabato City, kung saan isang indibidwal ang nasugatan.

Ilang minuto lamang ang lumipas nang isa pang pagsabog ang naitala sa Datu Udtog Matalam, Malagapas, Barangay Rosary Heights 10, Cotabato City, dakong alas-8:10 ng gabi.

Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Police Station 2, kasama ang mga duty investigator na pinamumunuan ni PMAJ Tugaya Z. Alfonso, station commander, matapos makatanggap ng ulat mula sa isang concerned citizen.

--Ads--

Sa inisyal na imbestigasyon, pinaniniwalaang nagmula sa isang tumpok ng basura ang ikalawang pagsabog, kung saan nakita rin sa lugar ang mga nagkalat na piraso ng basura.

Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang eksaktong sanhi ng dalawang magkahiwalay na pagsabog at kung may taong responsable sa mga insidente.