--Ads--

Naka-full alert status na ang Philippine National Police (PNP) sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at mga karatig na rehiyon bilang paghahanda sa kauna-unahang regular na parliamentary elections bukas, Setyembre 14.

Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., handa na ang lahat ng police units para tiyakin ang ligtas, maayos at mapagkakatiwalaang halalan sa rehiyon.

Tinatayang 10,500 pulis ang nakadeploy para sa election duties, kabilang ang halos 4,900 personnel mula sa PRO-BAR at 5,600 augmentation forces mula sa iba’t ibang regional offices at specialized units.

Inatasan ang mga security forces na bantayan ang mga tanggapan ng Commission on Elections, voting centers, checkpoints at iba pang kritikal na lugar upang maiwasan ang anumang insidente sa araw ng halalan.

--Ads--

Bagama’t nananatiling pangkalahatang mapayapa ang sitwasyon sa seguridad, patuloy na mino-monitor ng mga awtoridad ang 93 sa 105 bayan at lungsod sa BARMM na nakategorya bilang areas of concern dahil sa potensyal na election-related incidents, matinding tunggaliang pulitikal o banta mula sa armadong grupo.

Ayon sa Comelec, mahigit 2.4 milyong rehistradong botante ang inaasahang boboto para pumili ng mga miyembro ng kauna-unahang halal na 80-kataong Bangsamoro Parliament.