--Ads--

Nasugatan ang isang police personnel mula sa Caraga matapos tamaan ng bala sa isang police operation malapit sa Central Pilot Elementary School sa Sinsuat Avenue, Poblacion, Cotabato City, kaninang umaga, Setyembre 14, kasabay ng isinagawang 2026 Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM Parliamentary Elections.

Ayon kay PLt.Col. Jennifer Ometer, hepe ng Regional Public Information Office-13 o RPIO-13, kinilala ang nasugatang pulis na si Patrolman Justeen Reo Ga, na nakatalaga sa Dinagat Islands Police Provincial Office at kabilang sa 887 Caraga police personnel na idineploy sa BARMM para sa halalan.

Ibinunyag din ng tagapagsalita na maayos na ang kalagayan ng nasugatang personnel matapos itong mabigyan ng kaukulang medical assistance.

Nangyari ang insidente sa Central Pilot Elementary School sa Sinsuat Avenue, Poblacion 6, Cotabato City, kung saan isang indibidwal ang kumuha ng baril at nagpaputok, dahilan upang tamaan ang nasabing police personnel at tatlo pang sibilyan na nasa nasabing lugar.

--Ads--

Ayon pa kay Ometer, batay sa inisyal na ulat na kanilang natanggap, tinamaan ang pulis sa kanyang kanang binti, ngunit maayos na ang kanyang sugat at nakapagpatuloy na rin ito sa kanyang security duties.

Ang mga PNP personnel na nakatalaga sa BARMM ay may 10-araw na deployment at inaasahang sabay-sabay na babalik kasama ang kanilang mga kasamahan matapos ang kanilang misyon.