Mahigit 800 guro ang umatras bilang miyembro ng Electoral Board ilang oras bago ang nakatakdang pagsasagawa ng kauna-unahang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Parliamentary Elections ngayong Setyembre 14.
Ayon sa Commission on Elections (COMELEC), iba’t ibang dahilan ang ibinigay ng mga gurong nagpasyang hindi na magsilbi sa halalan.
Gayunman, nilinaw ng COMELEC na hindi kakasuhan ang mga gurong umatras, bagama’t umapela ang komisyon na sana ay mas maaga silang nakapagbigay ng abiso upang mabigyan ng sapat na panahon ang paghahanap ng mga kapalit.
Sa kabila nito, tiniyak ng COMELEC na handa pa rin ang kanilang hanay para sa halalan at may mga nakahandang contingency measures upang hindi maapektuhan ang botohan.
Magsisilbi namang Special Electoral Board ang mga pulis sa mga lugar na nangangailangan ng kapalit na election personnel upang matiyak ang maayos at tuloy-tuloy na pagsasagawa ng halalan.
Nakatakdang isagawa bukas ang kauna-unahang regular na BARMM Parliamentary Elections kung saan pipiliin ng mga botante ang mga miyembro ng unang halal na Bangsamoro Parliament.










