Pinaalalahanan ng Public Order and Safety Division (POSD) ng Cauayan City ang mga motorista na may hindi pa naaayos na citation tickets na agad na magtungo sa kinauukulang tanggapan upang maiwasan ang posibleng sanction sa kanilang driver’s license.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cagayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi nitong kailangang personal na magtungo sa tanggapan ng PNP o POSD ang mga motorista na nabigyan ng citation ticket upang ma-claim at maayos ang kanilang record.
Ayon kay Mallillin, maaaring maituring na delinquent ang mga motorista na patuloy na tumatangging magbayad o mag-settle ng kanilang traffic violation, na maaaring makaapekto sa kanilang mga transaksyon sa Land Transportation Office o LTO.
Kabilang dito ang pagkuha o pag-renew ng driver’s license, lalo na sa mga motorista na kasalukuyang nagmamaneho nang walang valid na lisensya.
Samantala, batay sa umiiral na mga panuntunan ng LTO, ang mga traffic violation ay maaaring magkaroon ng katumbas na demerit points at kaukulang sanctions depende sa uri at bigat ng paglabag.
Maaaring mauwi sa suspension ng driver’s license ang ilang traffic violations kapag umabot sa itinakdang demerit points o may kaukulang accessory penalty.
Dahil dito, hinimok ni Mallillin ang mga motorista na huwag balewalain ang kanilang mga citation ticket at agad na ayusin ang mga ito sa kinauukulang tanggapan upang hindi na lumala ang kanilang record at maapektuhan ang kanilang pagkuha o paggamit ng driver’s license.











