Muling hinimok ng Public Order and Safety Division (POSD) ng Cauayan City ang mga motorista at pedestrian na maging responsable at mapagmatyag sa kalsada upang maiwasan ang aksidente.
Ayon kay POSD Chief Ret. Col. Pilarito Mallillin, dapat magmenor ang mga motorista kapag papalapit sa pedestrian lane at maging handang huminto upang bigyang-daan ang mga tatawid.
Iminungkahi rin niya ang paglalagay ng karagdagang warning signs gaya ng “Slow Down” at “Pedestrian Lane Ahead” sa layong 50 hanggang 100 metro bago ang tawiran, na kanilang iminungkahi na sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Pinaalalahanan din ang mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak at isaalang-alang ang paglalagay ng barriers sa ilang bahagi ng kalsada upang maiwasan ang pagtawid sa mga hindi itinalagang lugar.
Binigyang-diin ni Mallillin na hindi lamang mga motorista ang may pananagutan sa kaligtasan sa lansangan kundi maging ang mga pedestrian na kailangang sumunod sa mga alituntunin sa pagtawid.











