--Ads--

Hinamon ni Laguna 1st District Representative Ann Matibag si Davao City 1st District Representative Paolo “Pulong” Duterte na isumite sa mga kinauukulang ahensya ang anumang ebidensya ng umano’y maanomalyang infrastructure projects sa kanyang distrito.

Sa isang pahayag, sinabi ni Matibag na kung may hawak na mga dokumento o video si Duterte na nagpapakita ng posibleng iregularidad sa mga proyekto sa kanyang distrito, dapat itong ihain sa mga awtoridad para sa kaukulang imbestigasyon.

Tiniyak din niya na makikipagtulungan ang kanyang tanggapan sa anumang lehitimong pagsisiyasat at sa pagkuha ng mga kinakailangang rekord kaugnay ng mga proyekto.

Ang pahayag ni Matibag ay tugon sa panawagan ni Duterte sa kanyang asawa na si National Bureau of Investigation o NBI Director Melvin Matibag na siyasatin din ang mga flood control projects sa iba’t ibang bahagi ng bansa, kabilang ang Laguna.

--Ads--

Nauna nang sinabi ni Duterte na dapat umanong pare-pareho ang pamantayan sa pagsisiyasat sa mga proyekto ng pamahalaan at iginiit na mayroon silang mga video at dokumento kaugnay ng ilang proyekto sa distrito ni Matibag.

Samantala, nilinaw ni Ann Matibag na magkaiba ang kanilang tungkulin ng kanyang asawa sa pamahalaan at walang kinalaman ang NBI director sa operasyon ng kanyang tanggapan bilang mambabatas.

Binigyang-diin din niya na dapat pairalin ang parehong pamantayan sa lahat ng imbestigasyon at sundin ang ebidensya, opisyal na rekord at due process sa pagbusisi sa anumang alegasyon ng katiwalian.

Una nang hinamon ni NBI Director Melvin Matibag si Duterte na magsampa ng pormal na reklamo kung mayroon itong ebidensya ng iregularidad sa mga proyekto sa Laguna.