Planong maghain ang National Citizens’ Movement for Free Elections o NAMFREL ng petition for certiorari sa Korte Suprema upang kuwestiyunin ang pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections o BSKE.
Ayon kay NAMFREL Secretary General Eric Alvia, hinihintay na lamang nila ang clearance ng kanilang council bago ihain ang petisyon.
Iginiit ng grupo na nakaaapekto sa karapatan ng mga botante ang pagpapaliban ng halalan, na ayon kay Alvia ay ika-siyam nang postponement mula 1994.
Nauna nang nagpahayag ang naturang grupo ng pagtutol sa pagpapaliban ng BSKE at sinabing susuportahan nito ang mga hakbang para kuwestiyunin ang constitutionality ng Republic Act No. 12326.
Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang RA 12326 na naglipat sa susunod na BSKE sa Nobyembre 2028 at nagtakda ng limang taong termino para sa mga barangay at SK officials.
Samantala, inihinto na ng Commission on Elections ang filing ng certificates of candidacy at iba pang aktibidad para sa 2026 BSKE kasunod ng pagkakapirma sa bagong batas.










